
(Binasa sa 1st Magdalo National Convention sa University of the Philippines Diliman Quezon City noong October 25, 2009)
Mga kapwa ko Magdalo:
Binabati ko kayong lahat sa ating kauna-unahang National Convention. Wala man ako rito ngayon, ako ay lubos na natutuwa at nakapagtipon-tipon kayo na mga nag-sasakripisyo para itaguyod ang mga adhikain ng ating samahan.
Tunay nga na makasaysayan ang araw na ito dahil idinadaraos natin ang kaganapang ito sa ilalim ng isang Administrasyon na pinipilit na gibain at basagin ang ating grupo. Kailan lang, walang may lakas loob na madikit sa ating grupo at mismong ang ating simbolo ay iniiwasan dahil sa takot na makulong o mapag-initan. Subalit sa pagpunta ninyo ngayon, lahat kayo ay taas-noong suot sa inyong dibdib ang ating simbolo at buong tapang na lumahok bilang delegado ng 375 chapters na kumakatawan sa mahigit 40,000 miyembro sa buong bansa. Dahil dito, ang araw na ito ay isang tagumpay para sa Magdalo at unang hakbang para sa tagumpay ng sambayanang Pilipino.
Dalawang bagay ang tatalakayin ng mensahe kong ito. Una, ano nga ba ang Magdalo? Sabi ng intelligence community ng AFP, ang Magdalo raw ay makakaliwa. Sabi naman ng mga makakaliwa, ang Magdalo raw ay mga “utak pulbura” lamang. Pareho silang mali. Nakakalungkot na sa tagal ng kanilang pakikipaglaban sa isa’t isa, nakalimutan nila na pareho silang Pilipino. Iyan po ang Magdalo – mga ordinaryong Pilipino na naghahangad ng isang bansang mapayapa, progresibo at maunlad. Mga Pilipinong may malasakit sa kapwa Pilipino. Dyan tayo nag simula at dyan tayo dapat palaging mag simula. Hindi tayo pwedeng magpanggap na ipinaglalaban natin ang ating bayan kung wala tayong pakialam sa nararamdaman ng ating kapwa. Kapag nangangailangan siya; tulungan mo. Kapag inaapi siya; ipaglaban mo. Iyan naman po ang pundasyon ng ating paniniwala.
Ang pagiging Magdalo ay isang malaking reponsibilidad dahil tayo ay dapat maging mabuting halimbawa ng isang responsableng mamamayan ayon na rin sa ating Code of Conduct. Kung ikaw naman ay isang public servant, dapat ikaw ay tapat, masipag at mahusay sa iyong trabaho.
Ang pagiging Magdalo ay isa ring sakripisyo. Sumasapi ka dito dahil hindi lang sarili ang iniisip mo. Higit sa iyo, iniisip mo ang iyong pamilya, ang iyong mga kasama, ang iyong kumunidad at ang iyong bayan. Sumasapi ka dito dahil gusto mong tumulong sa kapwa. Gusto mong ipamahagi sa lipunan ang mga labis sa buhay mo – materyal man, galing o talino. Higit sa lahat, sumasapi ka dito dahil gusto mong aktibong makilahok sa pagbubuong muli ng ating bayan hanggang makamtan natin ang tunay na kapayapaan at kaunlaran.
Ang ikalawang bahagi ng aking mensahe ay tungkol sa direksyon ng Magdalo sa hinaharap. Ang darating na eleksyon sa 2010, ay isang napaka-importanteng panahon sa kasaysayan ng ating bansa. Dito, mamimili ang bawat Pilipino kung kani-kanino nila ipagkakatiwala ang kinabukasan ng ating bayan. Kaya naman nagpasya ang pamunuan ng Magdalo na makilahok sa 2010 elections sa pamamagitan ng pagsulong ng kandidatura ng ilan sa ating mga miyembro sa pagka-senador, congresista at mayor. Ang paglahok natin sa local elections ay ngayon pa lamang natin gagawin at inaasahan natin na mas masalimuot ang laban kumpara sa national elections. Dito, susubukan nating basagin ang pag-hawak sa kapangyarihan ng mga tiwaling pulitiko na wala nang ginawa kundi proteksyonan ang kanilang mga interes. Kung kaya naman, pagtutulungan nating ipanalo ang lahat ng ating mga kandidato at kung magtatagumpay, gagawin natin silang mga halimbawa kung papano mamuno ang Magdalo.
Nagpasya rin tayo na mag-endorso ng kandidato sa pagka-Pangulo ng Pilipinas upang masiguro natin na hindi na muling mapupunta sa masamang kamay ang pamamahala ng ating bayan. Ang mapipiling kandidato, kung magtatagumpay, ay tutulungan natin sa pagsasaayos ng bayan na tuluyang sinira ng kasalukuyang administrasyon. Nagbaba tayo sa mga delegado ng mga batayan upang pag-basehan sa ating pagpili ng mga kandidato mula sa oposisyon.
Una, siya ay dapat likas na mabuting tao para makasiguro tayo na mabuti rin ang mga hangarin niya sa lahat ng kanyang gagawin bilang Pangulo. Pangalawa, siya ay dapat may Vision o magandang pangarap para sa ating bansa. Kaagapay nito ay isang kaukulang programang pang gobyerno para ma isakatuparan ang Vision na ito. Ikatlo, siya ay dapat may kakayahang mamuno para masiguro na magawa ang mga isinaad niya sa kanyang programang panggobyerno. Iyan ang mga basehan at kayo ang nagdesisyon. Paninindigan nating lahat ang desisyong ito at buong puso nating isusulong ang mapipiling kandidato. Ipakita natin ngayon pa lang na ang Magdalo ay may kakayahang magbigay inspirasyon sa mga mamamayan para mapili ang karapat-dapat na kandidato.
Samantala, tuluyan nating palaganapin ang ating hanay at darating din ang araw, na isang kapwa Magdalo ang ating isusulong sa pagka-Pangulo ng Pilipinas.
Mabuhay ang Magdalo! Mabuhay ang Pilipino!
(Sgd) SENATOR ANTONIO F TRILLANES IV